SOLO BRIDE
Ang kasal ang isa sa mga pinakamahalagang kaganapan sa buhay ng isang babae. Pero ang karanasang ito ang naipagkait sa 28 taong gulang na si Sam, at nag-iwan ng matinding sugat sa kanyang puso. Sa kalagitnaan kasi ng kanilang paghahanda para sa nakatakdang pag-iisang dibdib nila ng kanyang nobyo, bigla na lang itong nakipaghiwalay sa kanya sa hindi niya rin maipaliwanag na dahilan. Kaya naman para makabawi sa kalungkutan, naisipan niyang ituloy pa rin ang kanyang wedding pictorial, ngunit bilang solo bride lang. Ibinahagi ni Sam kay Kara David ang kanyang viral ngayong solo bride wedding pictorial.
BABY JANELA
Sa kanyang murang edad, tila hindi na matanaw ng isang taong gulang na si Janela ang pag-asa sa kanyang hinaharap. Si Janela kasi, may Crouzon syndrome, isang genetic disorder dahilan ng unti-unting pagluwa ng kanyang mga mata sa puntong hindi na niya ito magawang maisara pa. Dahil sa kondisyon niyang ito, madalas siyang nakararanas ng impeksyon at labis na panghihina. Nasaksihan ni Lala Roque ang araw-araw na kalbaryo ni Baby Janela.
BATASAN ISLAND
Malaking pinsala ang dulot ng kaliwa’t kanang baha sanhi ng epekto ng habagat sa maraming lugar sa bansa. Pero sa Batasan Island sa Bohol, bahagi na ng kanilang pang araw-araw na buhay ang bahang laging matatagpuan sa kanilang kalsada’t kabahayan. Dahil dito, mistulang resort ang lugar, na siyang nilalanguyan naman ng ilan sa mga residente. Pero ang bahang ito sa isla, dulot pala ng isang pangyayaring sumalanta sa lugar ilang taon na ang nakararaan. Inalam ni Saleema Refran ang pinagmulan ng baha sa isla ng Batasan.
Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.
0 Mga Komento